Pumirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kaninang hapon ang Local na Pamahalaan ng bayan ng Odiongan, Romblon at ang opisina ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas para sa implementasyon sa bayan ng Angat Buhay program.
Ang MOA signing ay ginanap sa Quezon City Reception House at pinangunahan nina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic bilang kinatawan ng pamahalaang lokal ng Odiongan at ni Usec. Philip Francisco Dy, Chief of Staff ng Office of the Vice President (OVP).
Sinaksihan mismo ni Vice President Leni Robredo ang MOA signing kasama si Vice Mayor Diven Dimaala at lahat ng konsehal ng bayan ng Odiongan.
Ang programa ay magbibigay ng P3.5 million pesos na proyekto para sa bayan ng Odiongan na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda.
Ayon sa Odiongan Public Information Office, nakapaloob sa programa ang patuloy na implementasyon ng farm mechanization sa ating bayan, rahabilitasyon ng aquasilviculture at suporta sa paghahayupan.
Kasama sa ibaba ng OVP sa bayan ng Odiongan ay mga gamit katulad ng thresher, harvester, water pumps, mga alagang hayop, crab fattening materials at iba pa.
Ayon sa OVP, hangad ng kanilang opisina na iangat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na iyong mga nasa laylayan ng lipunan, tulad ng mga kapatid nating magsasaka at mangingisda sa probinsya ng Romblon.
“Layon ng ugnayang ito na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa kanilang paghahanapbuhay. Bahagi pa rin ito ng pangako natin na abutin at mag-abot ng tulong sa pinakamalalayo at pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa,” ayon sa Opisina ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.