Isang 38 anyos na lalaki sa bayan ng Odiongan, Romblon ang nalunod habang naliligo sa isang beach resort sa Barangay Tumingad tanghali nitong Lunes.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang biktima na si Jolmar Fetalvero Morada, residente ng Barangay Tuburan.
Ayon sa pulisya, sinabihan umano ng nakainum na si Morada ang isa sa kanyang mga kasama na orasan siya habang nakalubog sa dagat, makalipas ang mahigit sampung minuto lumutang ang biktima ngunit hindi gumagalaw.
Hindi siya pinansin ng mga kasama sa pag-aakalang naliligo lang ito. Ilang minuto pa ang nakalipas, napansin na ng mga kasama na tila hindi ito gumagalaw kaya nilapitan nila ito at dito na nalaman na nalunod ang biktima.
Agad na isinugod ito sa Romblon Provincial Hospital para sana gamutin ngunit idineklara itong dead on arrival.
Nasa resort ang biktima para sana sa isang event na dinaluhan kasama ang mga kakilala.