Sugatan ang dalawang rider sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos masangkot sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng National Road sa Barangay Anahao kaninang umaga.
Kinilala ni Police Captain Manuel Fernandez Jr., ang mga rider na sina Ronnie Romero, 49; at Romero Baldonado, 35; pawang mga residente ng Poblacion, Ferrol, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, patungo ng Ferrol si Romero habang patungo naman ng Odiongan si Baldonado nang masangkot sa aksidente.
Iniwasan umano ni Baldonado ang isang rider na nag overtake kay Romero ngunit sa kabilang linya siya napunta, dahilan upang masalpok niya si Romero.
Tumilapon ang dalawang rider sa kalsada at agad na dinala sa Romblon Provincial Hospital ng mga tauhan ng Odiongan LGU Rescue team at ng Odiongan Municipal Police Station.
Nagpapagaling na sila ngayon sa hospital habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente.