Nagsagawa ng suprise inspection sa mga KTV bars sa Barangay Budiong ngayong gabi, August 16, si Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala kasama ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection, Business Permit and Licensing Office, Municipal Social Welfare and Development Office at Rural Health Unit.
On the spot nilang pinasara ang isa sa mga pwesto matapos walang maipakitang lisensya ang manager para mag-operate ang nasabing bar.
Ayon kay Dimaala, hindi maaring mag-operate ang isang negosyo kung walang kaukulang permit mula sa munisipyo.
Nakitaan rin ng paglabag sa mga ordinansa ng bayan ng Odiongan ang iba pang KTV bars katulad ng pagkakaroon ng expired Fire inspection Certificate, at kawalan ng Pink Card ng mga nagtatrabaho ritong Guest Relations Officer.
“Matagal ng ordinansa ng bayan ng Odiongan yang pink card na yan, hindi pwedeng magtrabaho ang isang babae sa mga KTV bars kung wala silang hawak at maipakitang pink card,” pahayag ni Dimaala.
Ang mga nasabing pink card ay naglalaman ng impormasyon ng isang nagtatrabahong GRO, at latest record ng kanyang test patungkol sa pap smear, at iba pang sexually transmitted diseases.
Pinayuhan ng Rural Health Unit ng Odiongan ang mga babae na tumungo ng Health Center sa susunod na linggo para makakuha ng Pink Card.
Nangako naman ang mga manager ng mga KTV bars na sila ay kukuha ng karampatang mga papeles para payagan muling makapag-operate ng munisipyo.