Kinailangang ibiyahe patungong Manila ang rider na nasangkot sa isang aksidente nitong Lunes ng hapon sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.
Ayon kay Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station, sa huli nilang nasagap na impormasyon ay dinala umano ng Manila ang rider na si Bon Baracca, residente ng bayan ng Alcantara.
Batay sa police report mula sa opisina ni Fernandez, bandang 5:00 ng hapon binabaybay ng isa pang rider na si Rodel Foja ang kahabaan ng national road patungong Barangay Rizal nang bigla umanong nangain ng linya ang rider na si Baracca na naging resulta ng salpukan ng dalawang sasakyan.
Tumilapon si Baracca mula sa sasakyan ganun rin ang sakay niya na si Jess Soledad, dahilan para magtamo sila ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dalhin sa Romblon Provincial Hospital.
Sa mga litratong pinadala sa Romblon News Network ng isang residente ng Barangay Tulay na agad na tumakbo patungong sa pinangyarihan ng aksidente, makikita ang rider na si Baracca na may sugat sa ulo.
Dinala na sa Odiongan Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan habang patuloy na iniimbestigahan ang aksidente.