May nakikita ng motibo ang mga kapulisan sa nangyaring pamamaril San Andres, Romblon nitong August 11, na ikinamatay ng isa sa mga biktima.
Ayon kay Police Captain Edwin Bautista, hepe ng San Andres Municipal Police Station, posibleng ang target ng pamamaril ay ang dating kapitan ng Victoria na si Melchor Mediado at hindi ang namatay na driver ng sinasakyan nitong motorsiklo na si Michael Edrat, 27.
Hindi sinabi ni Bautista ang tinitingnan nilang dahilan ng pamamaril ngunit sinabi niyang posibleng gun for hire ang bumaril sa dalawa.
Ipinasuri na rin umano nila ang mga nakuhang empty shells sa crime scene para makakuha ng ibedensya sa posibleng ginamit na baril.
Patuloy pa rin aniya ang kanilang follow-up investigation at pangangalap ng mga CCTV videos sa posibleng dinaanan ng ‘riding in tandem’ para sa kanilang pagkakakilanlan.
Magugunita na bandang 1:45 ng hapon nitong Linggo ng pagbabarilin sa kahabaan ng Tablas Circumferential Rd. sa Barangay Mabini sina Mediado at Edrat.
Patuloy na nagpapagaling si Mediado sa isang ospital sa Odiongan matapos magtamo ng sugat sa bibig dahil sa pamamaril.