Dalawang araw matapos makapagnakaw ang isang lalaki sa Boracay Island, sinoli nito sa mga pulis ang kinuha niyang cash na aabot sa 2.7 million pesos nitong Biyernes.
Kinilala ang suspek na si Leandro Sarito, 24 anyos at mula ng Barangay Canduyong, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Malay police, August 7 ng hapon ng mawala umano ang bag na pagmamay-ari ng Golden Moon Foreign Exchange Services Money Changer sa Barangay Balabag.
Pagtingin nila sa CCTV malapit sa kanilang opisina, nakita nila ang isang lalaki na dala-dala ang nasabing back pack.
Hindi natukoy ng mga kapulisan kung sino ang suspek dahil nakatalikod ang magnanakaw ng tingnan sa CCTV hanggang sa sumuko si Sarito nitong Biyernes.
Humingi naman ng tawad si Sarito sa may-ari ng Money Changer. Aniya, nakonsensya umano siya kaya niya ibinalik ang bag at nagawa niya lang umanong magnakaw para magkaroon siya ng P5,000 pamasahe pauwi ng Romblon.
Nakakulong na ngayon si Sarito sa Malay police station habang inaantay pa kung magrereklamo ang pamunuan ng Golden Moon Foreign Exchange Services Money Changer laban sakanya.
































