Patuloy na pinaghahanap ng mga kapulisan ng San Agustin Municipal Police Station ang lalaking nakapatay sa kanyang kainuman noong Lunes, August 5, sa Barangay Bachawan, San Agustin, Romblon.
Ayon kay Police Captain Elmer Fajel ng San Agustin MPS, patuloy ang kanilang hot pursuit operation laban sa suspek matapos itong tumakas matapos ang krimen.
Kinilala ang suspek na si Hanibal Apolinario Baldera, samantalang ang napatay naman nito ay kinilalang si Arnold Magay Macatubal.
Base sa kwento sa live-in partner ng biktima, nag-iinuman si Macatubal at Baldera sa bahay ng babae nang biglang magkainitan ang sagutan ng dalawa hanggang sa nauwi sa suntukan.
Biglang bumunot ng kutsilyo ang suspek kaya napatakbo papasok ng bahay si Macatubal ngunit na-corner siya ng suspek at dito na siya walang kaano-anu’y inundayan ng saksak sa tiyan. Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen.
Samantala, sinubukang dalhin ng Tablas Island District Hospital ang biktima ngunit idinkelara siyang dead on arrival.
Mahaharap sa kasong murder ang suspek dahil sa nagawa niyang krimen.