Patay ang isang motorcycle rider sa Alcantara, Romblon matapos sumalpok ang dinadala niyang motorsiklo sa isang concrete barrier ng isang Tulay sa Barangay Madalag nitong gabi ng Biyernes.
Kinilala ng Alcantara Municipal Police Station ang rider na si Calixto Solidum, 47 taong gulang, at residente ng Barangay Poblacion.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ng Poblacion si Solidum nang aksidenteng sumalpok sa concrete barrier ng isang tulay sa hindi pa matukoy na dahilan. Naisugod pa sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital at kalaunan ay inilipat ng Romblon Provincial Hospital ang rider ngunit binawian rin ng buhay matapos ang ilang oras dahil sa natamong head injuries.
Paalala ng mga otoridad, maging marahan at maingat sa pagmamaneho lalo na tuwing gabi para makaiwas sa mga ganitong disgrasya.