Tiklo sa kamay ng mga tauhan ng Romblon Provincial Intelligence Branch (RPIB) ang lalaking number 6 most wanted sa Romblon dahil sa kasong panggagahasa umano sa asawa ng kanyang pinsan sa harap mismo ng mga anak ng biktima.
Naaresto ang suspek na si Cianico Fernandez, 42, residente ng Barangay Marigondon, San Andres, matapos ang halos limang taong pagtatago sa batas.
Nakipagtulungan ang RPIB sa mga kapulisan ng Valenzuela Police noong Martes para sa ikaaresto ng suspek.
Batay sa record ng Romblon Police Provincial Office, 16-anyos palang ay nakasuhan na ang suspek sa kasong murder ngunit nakalaya noong 2015 matapos mag piyansa sa kaso hanggang sa makagawa muli ng krimen.
Dahil sa ginawa ng suspek, nagkaroon umano ng trauma ang mga anak ng biktima kaya ito kinasuhan ng panggagahasa noong 2015.
Ibabiyahe na patungong Romblon ang suspek para iharap sa korte kung saan niya haharapin ang kanyang kasong walang nakarekomendang piyansa.