Isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang isang lalaki sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos itong saksakin sa dibdib ng kanyang kakambal nitong gabi ng Linggo, August 18.
Kinilala ang biktima ng pulisya na si Jona Gajetas, 40-anyos; habang ang suspek naman ay kinilalang si Johnny Gajetas, kakambal ng biktima.
Batay sa police report mula sa Odiongan Municipal Police Station, bandang 9:30 ng gabi nang tumungo ang suspek sa bahay ng biktima sa Barangay Anahao para sana humiram ng tricycle ngunit dahil parehong nakainum ang dalawa, nauwi sa suntukan ang kanilang pag-uusap.
Una umanong sumuntok ang suspek sa biktima, at agad namang nakagante ang huli. Nang makakita ng isang ‘bladed weapon’ ang suspek sa tricycle, kinuha niya ito at walang ano-ano ay sinaksak nito si Jona sa dibdib malapit sa kanyang puso.
Agad namang inawat ang suspek ng pamilya ng biktima at agad nilang dinala ang duguang biktima sa Romblon Provincial Hospital kung saan patuloy na inoobserbahan ang kanyang kalagayan.
Naaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Odiongan Municipal Police Station ang suspek na ngayon ay nakakulong na. Posible siyang maharap sa kasong Frustrated Homicide kung irereklamo ng kanyang kakambal.