Hindi lang nakatutok sa lindol ngayong 3rd quarter ng taon ang kampanya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa ginanap na Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa bayan ng San Agustin, Romblon ngayong hapon.
Matapos kasi na mag ‘dock, cover, and hold’ ang mga estudyante at guro ng Tablas Academy ay nagkaroon ng maikling programa ang Rural Health Unit ng San Agustin kung saan ipinaabot nila ang mga programa ng mga ahensya ng gobyerno na makakatulong para makaiwas sa sakit na dengue na dala ng mga lamok.
Hinikayat rin nila ang mga estudyante at guro na ugaling maglinis sa paligid ng kanilang paaralan at mga bahay. Pinaalala rin nilang laging tandaan ang 4S o ang Search and Destroy, Self-Protection Measures, Seek Early Consultation at Say No To Indiscriminate Fogging.
Namahagi rin sila ng mga leaflets na pwedeng basahin ng mga estudyante at guro para mas matuto sa kung paano makakaiwas sa sakit.
Batay sa huling taya ng Regional Epidemiology & Surveillance Unit ng DOH – Mimaropa, aabot na sa 33 ang kaso ng naitala nilang pasyente na tinamaan ng dengue simula Enero hanggang ika-3 ng Agosto ngayong taon.