Pormal ng ipinagkaloob ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Local Government Unit ang pinondohan at pinatayo nilang Community Fish Landing Center (CFLC) sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong unang araw ng Agosto.
Dinaluhan ang turn-over ceremony nina Alvin Decena, Representative ng BFAR Regional Office; OIC-Provincial Fishery Officer Luisito Manes, Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic, at Vice Mayor Diven Dimaala.
Layunin ng BFAR na masigurong mas mapapabuti ang kabuhayan ng mga mangingisda sa nasabing barangay sa pamamagitan ng ipinatayong pasilidad.
Hangad ng pamahalaang nasyunal na mai-angat ang kabuhayan ng mga mangingisda na naninirahan sa mga komunidad na may mataas na insidente ng kahirapan.
Ang nasabing P3-million halaga na CFLC ay may pasilidad para sa pagsasanay sa disaster-resilient fisheries-based livelihood at resource management na siyang tututok sa huling mga isda at magsasagawa ng pagtatasa ng stock.
Maari ring imbakan ito ng mga lamang-dagat namahuhuli at iba pang mga fishery products.
Ang nasabing Community Fish Landing Center (CFLC) na ipinatayo sa Odiongan ay isa lamang sa mahigit 15 CFLC na ipinatayo ng BFAR sa buong lalawigan ng Romblon.
Dumalo rin sa nasabing turn-over ceremony ang mga mangingisda mula sa barangay ng Tumingad na siyang pangunahing gagamit ng nasabing pasilidad.