Sa bayan ng San Andres natagpuan at naaresto ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch – Romblon at ng San Andres Municipal Police Station ang isang 21 anyos na graduating student na may kinakaharap na kaso noon pang 2015 sa Silang, Cavite.
Kinilala ang naarestong suspek na si Leo Benasa.
Ayon kay Senior Master Sergeant Abeth Yanson ng San Andres Municipal Police Station, si Benasa ay wanted sa kasong 2-Counts ng rape sa Cavite matapos di umanong halayin ng dalawang beses ang kanyang kababatang babae. 17 anyos palang umano ang suspek ng gawin ang pinaparatang.
Pahirapan pa ang pag-aresto kay Benasa dahil masukal at maputik ang daan papunta sa bahay na tinutuluyan nito.
Itinanggi naman ni Benasa na hinalay niya ang nagrereklamo. Aniya, nagkasundo na umano sila sa barangay ngunit patago umano siyang sinampahan ng kaso ng pamilya ng biktima sa piskalya.
Nakakulong na ngayon si Benasa sa San Andres Municipal Police Station at inaasahang dadalhin sa Cavite para iharap sa korte.