Kritikal ang lagay ni Alvin Flores, 37, matapos masangkot sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Odiongan bandang alas-9 ng gabi nitong July 3 sa harap mismo ng Odiongan Municipal Police Station.
Sa kuha ng CCTV ng Municipal Hall ng Odiongan, makikita si Flores sakay ang kanyang anak na binabaybay ang national road patungong South nang masalpok ng motorsiklo na minamaneho ni Joselito Penes, 35.
Nakatayo naman agad si Penes habang si Flores naman ay nahulog mula sa motorsiklo habang yakap-yakap ang kanyang tatlong taong gulang na anak.
Nagtamo ng bali sa kamay si Flores, at nagkaroon ng sugat sa ulo dahilan upang agad siyang isugod sa Romblon Provincial Hospital kung saan patuloy na binabantayan ang kanyang lagay. Galos naman ang natamo ng anak ni Flores.
Samantala, nakakulong ngayon sa Odiongan Municipal Police Station si Penes na posibleng nakainum.
Patuloy na iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang aksidente.