Bilang bahagi ng layunin ng mga kapulisan na mapalapit sa mga estudyante ng iba’t ibang paaralan, muli silang lumabas ng police station nitong July 25 para bumisita sa Patoo Elementary School sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ang mga kapulisan na nasa ilalim ng Odiongan Municipal Police Station ay nagdala ng libreng haircut sa may aabot na 52 estudyante at mga magulang na nagpagupit sa kanila sa tulong ng Silangan Barber Shop at MDC (Make Your Day Complete) Salon.
Ayon kay Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station, masaya silang tinanggap ng mga estudyante at mga guro ng nasabing paaralan sa pangunguna ni Principal Mirian Lilla.
Maliban sa libreng haircut, nagpalaro rin ang mga kapulisan sa mga estudyante at nagkaroon ng seminar patungkol sa epekto ng iligal na droga, at sa karapatan ng mga bata.
Bahagi ang programang ito ng pagdiriwang ng Police Community Relations Month ng mga kapulisan.