Namatay ang isang matandang babae matapos mahulog sa sinasakyan nitong tricycle nitong umaga ng Lunes, July 8, sa bayan ng San Agustin, Romblon.
Ayon sa San Agustin Municipal Police Station, nangyari ang aksidente sa kahabaan ng Tablas Circumferential Rd. sa bahagi ng Barangay Carmen.
Kwento ng driver ng tricycle na si Bernardo Motin, 48, patungo umano sila ng Poblacion galing Barangay Sugod at sakay nito sa likod ng motorsiklo ng tricycle ang Lolang kinilalang si Emilliana Cordon, 68, nang biglang umanong makatulog at mahulog ang matanda sa kanyang kinauupuan.
Tumama ang ulo ni Cordon sa kalsada dahilan para mawalan ito ng malay. Agad na naisugod sa Romblon Provincial Hospital ang biktima ngunit binawian rin ng buhay kalaunan.
Kusa namang sumuko sa mga kapulisan ang driver at magdamag na nakulong ngunit pinalaya rin ngayong araw, July 9, matapos makausap ang pamilya ng biktima.
Paliwanag ng driver, aksidente lang umano ang nangyari kung bakit nahulog ang matanda mula sa kanyang tricycle.