Inilunsad kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) – Romblon ang proyektong farm business school (FBS) at pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Brgy. Carmen, San Agustin, Romblon.
Isinapormal ng ahensiya ang pakikipag-ugnayan nito sa pamahalaan bayan ng San Agustin at sa Oswag Carmen Mabinuligon Agrarian Reform Cooperative (OCMARC) para sa implementasyon ng proyekto.
Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II, Camilo Claro M. Pacquing, lumagda sa MOA bilang kinatawan ng DAR, na sa pamamagitan ng programa ay mapauunlad ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo para sa mas epektibong pamamahala ng kanilang mga produkto at makakuha ng tamang kita.
Pinapalakas din nila ang diwa ng kooperatiba partikular ang Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ARBs) upang masigurong hindi lang iisang tao ang makikinabang.
Kabilang din sa mga lumagda sa kasunduan sina Municipal Administrator Edgar Mallorca ng LGU San Agustin, Cooperative chairman Patricia Marquez at OCMARC Manager Dixon Villan.
Ang pagpirma sa MOA ay sinaksihan din nina Dr. Ken Falculan ng Romblon State University (RSU), Municipal Agriculturist Ruby Murchante at Kagawad Joseph Muros of BLGU-Carmen.
Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang lokal na pamahalaan ng technical at marketing support sa pamamagitan ng coaching, mentoring at provision para sa mga binhi ng gulay at iba pang tungkol sa pagsasaka habang magsasagawa naman ang mga magsasaka ng benchmarking, market surveys at market matching kasama ang mga prospect buyer.
Sinabi naman ni Municipal Administrator Mallorca na makikipagtulungan ang LGU San Agustin sa DAR at sa benepisyaryong samahan upang masiguro ang tagumpay ng implementasyon ng proyekto.
Ayon kay Dyne Fornal, FBS point person at information officer ng DAR – Romblon, ang on-site multi-level training program ay binubuo ng 25 session at inaasahang dadaluhan ng nasa 35 magsasakang miyembro ng kinilalang ARB organization.
Aniya, makatutulong ang pagsasanay sa mga magsasaka para sa pagpapaunlad ng negosyo at pagpapalakas ng kakayahan sa kompetisyon ng kanilang mga produkto sa pamilihan.
Ayon pa sa tagapagsalita ng DAR, tuwing araw ng Sabado at Linggo ay kanilang isasagawa ang pagsasanay sa Agrarian Reform Cooperative ng Brgy. Carmen, San Agustin, Romblon. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)