Ipinaalala ng Social Security System (SSS) nitong Lunes, July 22, na hanggang September 6 nalang pwedeng mag-settle ang mga employers ng kanilang unpaid contributions para sa kanilang mga empleyado nang walang ibinibigay na penalty.
Ito ang ipinaalala ni Christine R. Riano, Acting Branch–Head 1 ng Social Security System (SSS) – Romblon sa ginanap na Kapihan sa PIA noong Lunes sa DTI Negosyo Center – Odiongan.
Ayon kay Riano, hanggang September 6 nalang ang Contribution Penalty Condonation (CPC) program ng SSS, kundi mananagot sa batas ang mga employers na hindi makakapagbayad.
“Tinatawagan namin lahat ng employeers, kung alam naman siguro nila sa sarili nila na delinquent ang kanilang contributions…pwede po kayong mag avail thru full payment or installment man, makipag coordinate lang sa amin,” ayon kay Riano.
Kasama umano rito ang mga kasambahay at mga newly hired na empleyado.
Ang nasabing condonation program ay nagsimula pa noong March 5, at dahil dito nakakolekta na sa buong Pilipinas ang SSS ng aabot sa PHP378.71 million unpaid contributions kung saan may mahigit P1-billion penalty ang nawala.
Sa ngayon umano, tinitingnan ng SSS-Odiongan ang aabot sa 681 na businesses sa buong Romblon na wala umanong contributions o natigil ang paghulog base sa kanilang records. Dahil malapit na umano ang pagtatapos ng programa ng condonation, hindi umano inaasahan ng SSS-Odiongan na maabot nila ang 100% return dahil titingnan pa umano nila kung active pa ang mga negosyong nasa kanilang database.
“Nakikipag-ugnayan na po kami sa mga Business Permits And Licensing Office ng bawat munsipyo para i-verify kung active pa ba ang mga businesses na nasa aming database,” pahayag ni Riano.
Para sa may mga katanungan, ang SSS ay may opisina sa Sitio Cocoville sa Barangay Dapawan sa bayan ng Odiongan, Tablas Island, Romblon.