Nahulicam sa bayan ng Odiongan, Romblon ang pananalisi ng isang buntis sa isang tindahang matapos sandaling iniwan ng may-ari nito para umihi.
Base sa kuha ng CCTV mula sa mga katabing tindahan, makikita ang suspek na si Grace Farquerabao, 29-taong gulang, na dumaan sa harap ng CCTV galing sa entrance ng Fetalino’s Arcade kung saan naroon ang tindahan na kanyang nabiktima.
Hindi hagip sa CCTV ngunit pumunta ang suspek sa isa pang tindahan para tumingin-tingin ng mga paninda, ilang minuto ang lumipas makikita ang matandang may-ari ng nabiktimang tindahan na lumabas at pumasok sa CR para umihi.
Ilang sigundo lang ang lumipas makikitang muli ang suspek na imbes na dumiretso sa exit ay lumihis patungo sa walang bantay na tindahan. Ilang minuto lang ang lumipas, lumabas ng tindahan ang suspek patungo sa exit habang may nilalagay na pera sa bag nito.
Ayon sa may-ari ng tindahan, tinangay umano sa loob ng kanyang tindahan ang benta nitong aabot sa P1,800.
Agad namang natukoy ang suspek sa pamamagitan ng CCTV at dinala sa Odiongan Municipal Polcie Station ngunit pinalaya rin matapos na isauli ang P700 na bahagi ng kabuoang nakuha nitogn P1,800.
Ayon sa suspek, nabili niya na umano ng bigas ang pera na nakuha niya.
Nasangkot na rin sa ilang kaso ng pagnanakaw ang suspek sa nasabing bayan ngunit hindi natutuloy ang pagsampa rito ng kaso dahil umaatras ang mga nabibiktima nito.