Sugatan ang dalawang nakatambay lamang malapit sa talipapa ng Barangay Mayha sa Odiongan, Romblon kabilang ang isang 7-taong gulang na bata matapos ararohin ng isang motorsiklo nitong gabi ng Sabado, July 13.
Ayon sa spot report mula sa Odiongan Municipal Police Station na pinadala sa opisina ni Captain Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, patungong south direction ang rider na si Artimio Falcunitin, 55, nang biglang mawalan ng kontrol sa sasakyan pagdating sa may pakurbang daan malapit sa talipapa at nasalpok ang dalawang biktima.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng motorsiklo sa dalawa, nagtamo sila ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Tumilapon naman si Falcunitin mula sa kanyang motorsiklo at nagtamo rin ng sugat.
Agad silang dinala sa Romblon Provincial Hospital para gamutin samantala, dinala ng Odiongan Municipal Police Station ang sasakyan ni Falcunitin para sa disposition.
Hindi natukoy ng pulisya kung nakainum si Falcunitin nang mangyari ang nasabing aksidente.
Posible itong maharap sa kaukulang reklamo kung sakaling maghabla ang mga biktima laban sa kanya.