Maswerteng galos lang ang natamo ng driver ng isang 6-wheeler water tanker sa Odiongan, Romblon matapos tumagilid ito habang binabaybay ang National Road patungong Philippine Science High School – MIMAROPA Campus, tanghali kahapon, June 5.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, galing South Bound direction ang water tanker na minamaneho ni Joey Tinao, 38, nang maaksidente pag-akyat nito sa paahon na daan patunong Philippine Science High School – MIMAROPA Campus sa Barangay Progreso Este.
Nawalan umano ng kontrol ang driver sa sasakyan dahilan upang tumagilid ito sa kanang bahagi.
Bumalandra ang sasakyan sa kalsada kaya kinalainangan pang gumamit ng backhoe para mapatayo ang mabigat na water tanker.
Wala na ring nadamay sa aksidente ngunit nagpabigat ito ng daloy ng trapiko sa lugar.
Naialis na ang water tanker sa pagkakabalandra nito sa kalsada kinahapunan.