Nagsimula ng magtanggal ng mga pansamantalang ipinagbabawal ibenta na canned goods ang ilang malalaking grocery stores sa probinsya ng Romblon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Mary Grace H. Fontelo, Information officer ng DTI-Romblon, sinabi nitong mahigit 50 stores na ang kanilang nabisita para paalalahanan kaugnay sa mga produktong pansamantalang ipinagbabawal dahil sa posibleng banta ng African swine fever (ASF).
“66 stores monitored… ‘yung iba doon [ay] voluntary [na] tinanggal after our advice na huwag ibenta at ibalik [nalang] sa supplier,” ayon sa mensahe ni Fontelo.
Matatandaang naglabas ng advisory ang Food and Drug Administration kaugnay sa pag ban ng ilang produkto mula sa bansang apektado ng ASF at may mga date na ginawa mula August 25, 2018.
Kabilang sa pinatatanggal ng FDA, at Department of Agriculture, ay ang Ma-Ling na laging nakikita sa mga grocery stores sa probinsya.
Paalala naman ng mga eksperto ang African swine fever (ASF) ay tanging sa mga baboy lang posibleng may apekto ngunit pwedeng maging carriers ang mga tao para ma-infect ang mga alagang baboy.