Sugatan ang anim na sakay ng isang pampasaherong jeep kasama ang driver nito matapos silang maaksidente sa kahabaan ng Tablas Circumferential Road sa Barangay Calunacon, San Andres, Romblon bandang alas-7 ng umaga nitong Huwebes, June 6.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa bayan ng Calatrava ang jeep at patungo sanang bayan ng Odiongan nang maaksidente.
Bigla umanong naputol ang giya ng jeep na minamaneho ni Leoncio Espelembergo matapos mag overtake sa isang tricycle at tuluyang inararo ang isang concrete fence.
Sa lakas ng impact ng pagkakasalpok, nasira ang tatlong poste ng concrete fence habang ang isang bakal na nakakabit sa fence ay pumasok pa sa loob ng jeep, maswerte namang walang pasaherong natusok nito.
Agad na isinugod ang mga sakay ng jeep sa Romblon Provincial Hospital kasama ang driver na nagtamo ng bali sa paa matapos maipit ng nayuping unahang bahagi ng jeep.
Ayon sa may-ari ng concrete fence na si Reynaldo Manzano, nagkasundo na sila ng may-ari ng jeep at pasasagutin nalang ang pagsasaayos ng nasirang concrete fence.
Patuloy na iniimbestigahan ng San Andres Municipal Police Station ang nasabing aksidente.