Sugatan ang isang barangay captain na naglalakad lamang sa gilid ng kalsada nang masalpok ito ng motorsiklo sa kahabaan ng national road sa Looc, Romblon nitong gabi ng Linggo.
Kinilala Police Captain Ledilyn Ambonan, spokesperson ng Romblon Police Provincial Office, ang kapitan na si Cirilo Soledad Galang, 63, barangay captain ng Barangay Guinhayaan sa parehong bayan.
Batay sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, naglalakad sa shoulder ng kalsada si Galang nang masalpok ng motorsiklong na-slide matapos mawalan ng kontrol ang driver nito na kinilalang si William Tombocon, 27, residente Poblacion.
Tumilapon patungo sa concrete pavement si Tombocon at ang sakay nito gayun rin si Barangay Captain Galang.
Dahil sa pagkakasalpok nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan sina Tombocon at si Galang habang ang sakay ni Tombocon na kinilalang si Ginwel Tombocon ay nagtamo ng leg injury. Agad silang isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital kung saan sila ngayon nagpapagaling.
Ayon sa pulisya, walang driver’s license ang driver ng sasakyan na si Tombocon at wala ring mga suot na helmet nang mangyari ang aksidente.
Posibleng maharap sa kasong Reckless imprudence resulting to physical injuries ang driver ng motorsiklo.