Pormal ng inilipat ng Romblon State Unversity ang simula ng kanilang pasukan mula Hunyo patungong Agosto, ayon sa isang opisyal ng paaralan nitong Huwebes.
Ayon sa text message ni Dr. Arnulfo De Luna, President ng Romblon State University, ang pagpapatupad ng bagong calendar year ay magsisimula ngayong taon.
Kasama umano sa magpapatupad ng pagpapalit ng calendar year ay ang lahat ng campus ng Romblon State University, kasama ang High School department ng pamantansan.
Ayon sa pamunuan ng RSU, dahil sa pagpapatupad ng bagong calendar year, inaasahang matatapos ang 1st semester ng klase sa December, habang magsisimula naman ang second semester sa January at magtatapos ng May.
Malaki umanong tulong ito para mas mabilis ma maipatupad ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017; at sa Section 3 ng Republic Act No. 7797, An Act to Lengthen the School Calendar from 200 Days to Not More than 220 Class Days.
Sa hiwalay na pahayag noon ni Dr. Elvin F. Gaac, Vice President for Academic Affairs ng RSU, sinabi nitong malaking tulong umano ang pagpapalit ng school opening ng unibersidad lalo na sa mga estudyanteng gustong maging exchange student sa ibang bansa, o di kaya sa mga estudyanteng papasok ng RSU galing sa ibang paaralan na August rin ang simula ng calendar year.
“Hindi na nila kailangang mag-antay ng halos ilang taon kung balak nilang mag-transfer sa RSU dahil pareho na tayo ng calendar year sa kanila,” paliwanag ni Dr. Gaac.