Arestado ang dalawang lalaki sa Odiongan, Romblon matapos mahulihan ng mga otoridad ng mga iligal na pinutol na punong kahoy nitong hapon ng Huwebes, May 23.
Ayon kay Police Capt. Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station, ang operasyon ay kinasa ng mga tauhan ng CIDG-Romblon, Romblon Provincial Mobile Force Company, at Odiongan Municipal Police Station laban sa dalawang suspek.
Kinilala ang mga ito na sina Armando Marquez Jr., 39; at Rey Venus Gahitas, 55.
Ayon sa otoridad, naaktuhan ang mga suspek na nagpuputol ng puno ng mahogany sa Barangay Anahao ngunit nang tanungin ng mga kapulisan, wala umano silang maipakita na permit para magputol ng punong kahoy.
Nakuha sa mga suspek ang isang chainsaw, gasulina, at mga lumber na may kabuoang halaga na 2,739 pesos.
Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa opisina ng CIDG-Romblon.