Nagtamo ng sugat sa ulo ang isang 53-anyos na lalaki matapos na mataga ng kanyang nagwawalang pinsan nang ito’y kanyang awatin nitong hating gabi ng Miyerkules, May 1.
Nangyari ang aksidente sa Barangay Danao Sur sa bayan ng Santa Fe, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Santa Fe Municipal Police Station, habang nagwawala umano ang nakainum na suspek na si Joel Evangelio Martino, 35, sinubukan umano itong awatin ng kanyang pinsang si Orhe Evengelio ngunit pati siya ay pinagbalinan ng galit ng suspek na may hawak na bolo at nataga ito.
Matapos magtamo ng sugat sa ulo, agad tumakbo ang biktima palayo sa suspek at humingi ng tulong sa Barangay para magtawag ng pulisya.
Inaresto ng otoridad ang suspek at posibleng mahrap sa kaukulang kaso. Ligtas na ngayon ang lagay ng biktima.