Isang jeep sa bayan ng San Agustin, Romblon ang muntik ng mahulog sa isang bangin sa Barangay Lusong matapos maaksidente habang nasa biyahe.
Ayon sa ulat ng pulisya, patungo ng bayan ng Looc ang Jeep galing sa Poblacion, San Agustin nang maaksidente sa Sitio Pook, Barangay Lusong sa parehong bayan.
Napansin umano ng driver na kinilalang si Ronel Rito Masungca, 31, na lumagpas ng kanang kalsada ang gulong ng kanyang minamanehong jeep pagdating sa pakurbang daan at nawalan umano siya bigla ng kontrol rito hanggang sa sumalpok sa metal barrier.
Maswerteng hindi dumiretso ang jeep sa bangin na nasa gilid lamang ng kalsada.
Hindi naman nagtamo ng sugat ang mga pasaherong sakay ni Masungca at agad namang nakababa ng jeep.
Samantala, tinalian ang jeep at ikinabit sa mga puno na nasa gilid ng kabilang kalsada para hindi ito tuluyang mahulog sa bangin habang inaantay ang hihila rito pabalik sa gitna.
Patuloy na iniimbestigahan ng San Agustin Municipal Police Station ang nasabing aksidente.