Isang duguan at walang buhay na lalaki ang natagpuan ng mga residente ng Barangay Guinhaya-an, Looc, Romblon nitong umaga ng Sabado, May 18.
Kinilala ang biktima na si Benhur Mallorca, 39-anyos, residente ng nasabing barangay.
Batay sa police report mula sa Looc Municipal Police Station, bandang 5:30 ng umaga kanina habang nagpapakain umano ng mga alagang manok si Jovito Lordan, 46-anyos, napansin niya umano na may lalaking nakatihaya sa gilid ng kalsada sa Sitio Ilaya.
Paglapit niya, napansin niyang parang wala itong malay at may sugat sa ulo ang lalaki na kalaunany nakilala niyang si Mallorca.
Sinubukan pang dalhin sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital si Mallorca ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Sa pagsisiyasat ng kapulisan sa Looc, napag-alamang galing sa isang family gathering si Mallorca at umuwi bandang 11 kagabi ngunit hindi na umano ito nakarating sa kanilang tirahan ng buhay.
Posible umanong isailalim sa autopsy ang katawan ni Mallorca para matukoy ang posibleng dahilan ng pagkamatay nito. Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station sa insidente para sa ikalilinaw ng pangyayari at ikadadakip ng posibleng suspek kung ito ay isang krimen.
































