Sa ospital ang diretso ng dalawang rider matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng National Road sa Barangay Poctoy, Odiongan nitong gabi ng Miyerkules, May 29.
Batay sa police report ng Odiongan Municipal Police Station, nakaparada ang motorsiklo ng rider na si Jondy Salaguste, 23, at palabas na sana ng parking lot ng isang restobar nang masalpok ng humaharurot na motor na minamaneho naman ni John Dave Dela Torre, 19.
Patungo sana ng Poblacion si Dela Torre nang mangyari ang aksidente.
Agad na isinugod ang dalawang rider ng rumespondeng ambulansya sa Romblon Provincial Hospital matapos tumilapon sa kalsada kasunod ng pagkakasalpok ni Dela Torre sa motor ni Salaguste.
Walang umanong suot na helmet ang dalawang rider ng mangyari ang aksidente.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang aksidente. Hawak ni Police Senior Master Sergeant Bambi Salvador ang nasabing kaso.