Bilang ayuda sa mga mamimili, muling ibinabalik ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon Provincial Office ang Consumer Caravan ngayong taon.
Inanunsyo ng DTI-Romblon noong nakaraang linggo na muli silang mag-iikot sa ilang bayan ng probinsiya upang magsagawa ng Consumer Education at Balik Eskwela Diskwento Caravan kung saan ang mga pangunahing school supplies at ilang piling grocery items ay mabibili sa mas mababang presyo.
Sinabi ni Mary Grace H. Fontelo, Information officer ng DTI-Romblon na ang consumer caravan ay magtutungo sa mga bayan ng Santa Fe, San Jose, Corcuera, San Agustin, Banton, San Fernando, Cajidiocan, Magdiwang at Odiongan na magsisimula sa Mayo 16 at tatagal hanggang Mayo 30.
Layunin ng Diskwento Caravan na mabigyan ang mga mamimili ng magaganda at de kalidad na mga produkto sa murang halaga.
Kabilang sa mga produktong maaaring bilhin sa nasabing caravan ay mga gamit sa eskwela gaya ng notebook, lapis, ballpen, papel, eraser gayundin ang sabon, sardinas, health drinks, shampoo at iba pang mga kagamitan na maaaring makatulong sa paghahanda ng mga estudyante para sa nalalapit na pasukan.
Ang mga kompanyang lalahok sa aktibidad ay magbibigay ng 5-10 porsyentong diskwento sa kanilang ibinebentang produkto.
Ang Diskwento Caravan ay isa sa mga banner program ng DTI na naglalayong matulungan ang mga mamimili na abot ng kanilang budget sa pamamagitan ng may diskwentong presyo na inalok sa pamamagitan nang pagsali ng mga manufacturer, distributor at wholesalers.
Magsasagawa rin ang DTI ng consumer education and information drive upang turuan ang mga mamimili tungkol sa kanilang mga karapatan at proteksyon bilang mga konsyumer.
Pang-limang taon nang ginagawa ng DTI Romblon ang programang ito at kadalasan nilang itinataon sa linggo ng Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang at ibang consumer na makapamili ng kanilang pangangailangan bago magsimula ang pasukan.