Sugatan ang limang taong gulang na bata matapos masangkot sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa Tumingad, Odiongan ang kanyang sinasakyan nitong hapon ng May 13, kasagsagan ng midterm election.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, binabaybay ng tatay ng biktima na si Christian Christopher Bables Velarde, 31, ang kahabaan ng national road patungong town proper ng Odiongan nang biglang sumulpot sa harap nila ang isa pang motorsiklo na minamaneho ng 16 taong gulang na bata.
Sa lakas ng pagkakasalpok nasira pa ang unahang bahagi ng isa sa mga motorsiklo habang nagkalat ang mga debris sa kalsada.
Tumilapon naman ang mga sakay nito ngunit ang dalawang riders ay hindi nasugatan maliban sa sakay na bata ni Velarde.
Agad na dinala sa Romblon Provincial Hospital ang bata para gamutin.
Paalala ng kapulisan sa Odiongan, huwag hahayaang magmaneho ang mga batang wala pa sa tamang edad dahil posible silang makaaksidente ng mga motoristang totoong may lisensyang magmaneho sa kalsada.