Pormal nang binuksan noong Lunes sa bayan ng San Agustin ang bagong Automated Teller Machine (ATM) ng Development Bank of the Philippines (DBP) na inilagay sa entrance ng Municipal Hall.
Pagkatapos na isagawa ang pagbabasbas sa naturang ATM ay nagkaroon din ng Signing of Agreement sa pagitan nina Mayor Esteban Santiago F. Madrona ng LGU San Agustin at G. Joel G. Jalbuena, Asst. Vice President, Head BBG-Southern Luzon ng DBP.
Ang LGU San Agustin ang magbabantay at maglalagak ng pera sa nasabing ATM at ang DBP naman ang mangangasiwa sa aspetong teknikal ng makina.
Ang ATM na inilagay ng DBP sa bayan ng San Agustin ay makatutulong sa mga empleyado ng munisipyo, mga residente dito at iba pang kawani ng pamahalaang nasyunal dahil madali na silang makapag-withdraw ng pera kung kinakailangan.
Hinikayat naman ni Gilbert Rabuel, branch manager ng DBP Romblon, ang mga taga-San Agustin na mag-impok sa kanilang bangko dahil mas mababa ang singil nila sa bawat transaksiyon.
Kanyang inaasahan na sa susunod na mga araw ay marami nang maliliit na negosyante at iba pang sektor ang magbubukas ng savings account sa DBP sapagkat kanila nang inilapit ang kanilang serbisyo sa mga mamamayan dito.
Ayon Rabuel, P500 lamang ang initial deposit para sa mga nais magbukas ng Savings Account sa kanilang banko at dapat P500 din ang maintaining balance ng ATM Card.