Tatlong barangay na sa Odiongan ang hinatiran ng supply ng tubig ng Bureau of Fire Protection nitong mga nakaraang araw matapos na matuyo ang kanilang mga pinagkukunan ng tubig sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Joey Selorio ng Bureau of Fire Protection sa Odiongan, nagpadala na sila ng water tankers sa Barangay Canduyong, ilang bahagi ng Barangay Dapawan, at sa Barangay Amatong.
Ang posibleng pagtuyo ng mga water source sa mga nabanggit na lugar ay dahil sa nararanasang El Niño sa lalawigan na ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Mayo.
Sinabi rin ni Selorio na patuloy silang magbibigay ng ayuda sa mga barangay na kakapusin ng tubig para may magamit ang mga residente rito na tubig panligo, hanggang sa pangluto.
Maari lang umano silang makipag-ugnayan sa opisina ng Bureau of Fire Protection sa Odiongan para sa tulong na kailangan na hingiin ng publiko.