Dumating sa bayan ng Santa Maria, Romblon si Vice President Leni Robredo nitong Biyernes, April 12, upang pangunahan ang turnover ceremony ng kitchen tools at equipment para sa mga estudyante ng Santa Maria National High School.
Ang mga nasabing kitchen tools at equipment ay naipagkaloob sa paaralan sa tulong ng Angat Buhay partner ng Office of the Vice President na Masflex-KitchenPro.
Sa maikling talumpati ng bise presidente sa harap ng mga mag-aaral at guro ng nasabing paaralan, nagpasalamat ito kay Mr. Hiren H. Merchandani, ang nagkaloob ng mga nabanggit na gamit dahil malaking tulong umano ito para sa mga estudyante.
Ang mga senior high school students ng Santa Maria National High School na kumukuha ng Home Economics strand ay kinakailangan pang magtransfer sa ibang paaralan para lang matapos ang cooking at baking classes nila ngunit ngayon ay makakatulong na ang mga napagkaloob na gamit.
Sinabi naman ni Merchandani na ang mga nabanggit na gamit ay madadagdagan pa bago dumating ang buwan ng June ngayong taon.
Samantala, dalawang graduating student ng nasabing paaralan ang pinagkalooban ng scholarship ni Merchandani at nabigyan ng pagkakataon para mag-aral sa Center for Asian Culinary Studies.
Sa Facebook post ng bise presidente, sinabi nito na ‘I am filled with hope that in helping our students in need, we are laying the groundwork for a better life for their families and for their communities’.