Handa umanong idevelop ng munisipyo ng Odiongan ang tatlong ilog sa kanilang lugar na inuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang class “C” or “SC”, kung saan pwedeng mag-alaga at magpalaki ng isda at iba pang aquatic resources.
Batay sa memorandum circular na nilabas ni DENR Secretary Roy Cimatu, ito ay ang mga ilog ng Bangon, Gabawan at Bongoy sa Barangay Bangon, Gabawan, sa bayan ng Odiongan.
Sinabi sa isang press briefing nitong Miyerkules ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na may mga plano na sila sa mga nabanggit na ilog lalo na sa Bungoy River at ito ay may kaugnayan sa turismo.
“First and foremost, we’re really looking on how we can develop the rivers. Unang-una meron tayong river cruise program, actually tapos na rin yung ating raft, and we’re also waiting for…funding from TIEZA [Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority] in the amount of 15 million para sa river cruise development,” pahayag ni Fabic.
“The primary goal for those rivers is really to make them source of livelihood for all so they will have incentive to protect the rivers,” dagdag ng alkalde.
Sinabi rin ng alkalde na kailangang bumuo ng isang multi-sectoral committee na tutok sa pag-develop sa tatlong ilog.
“Siguro po kung may ganung memo from DENR, dapat magkaroon ng multi-sectoral committee na pag-uusapan at pagpaplanuhan ang mga ganung bagay, yung pag maintain ng cleanliness, paano pagandahin and any future development,” ayon sa alkalde.
Ang lahat umanong development sa mga nabanggit na ilog ay hindi lang munisipyo ang magdedesisyon kundi kanila umanong ilalapit sa mga stakeholders bago ipatupad.