Isang food processing facility ang itatayo ng local government unit ng Odiongan ngayong taon sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST) at Food and Nutrition Research Institute (FNRI).
Ayon kay Mae Angelica Fabito-Famini, Science Research Specialist II ng DOST-Romblon, ang itatayong food facility ay lalagyan ng mga kagamitan sa paggawa ng malusog na pagkain para sa mga sanggol at bata mula sa FNRI.
“Kasi yung sa FNRI kasi, meron na tayong existing project dito at i-compliment lang nila ito sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga equipments,” pahayag ni Fabito ng dumalo sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong Lunes, April 15.
Ang nasabing facility umano ay ang nag-iisang proyekto ng FNRI sa lalawigan, hiwalay pa sa kanilang ginagawang regular na pa-training sa mga food manufacturers.
Base sa kasunduan ng DOST-FNRI sa Local Government Unit ng Odiongan, ang DOST-FNRI ang magbibigay ng mga equipments habang ang local government naman ang magpapatayo ng building sa lupa na pagmamay-ari rin ng LGU.
Malaking tulong umano ito sa mga Barangay Nutrition Scholar o BNS ng Odiongan dahil dagdag kita ito sa kanila; ganun rin sa mga magsasaka dahil kakailanganin ng food facility ang supply ng bigas, monggo, at sesame seeds.