Isang tricycle driver ang namatay matapos malunod habang naliligo sa swimming pool ng isang resort sa Sitio Lumba, Barangay Limon Sur, Looc, Romblon.
Batay sa police report na nakarating sa opisina ni Police Captain Ledilyn Ambonan, spokesperson ng Romblon Police Provincial Office, bandang 4:30 ng hapon nitong Linggo, pauwi na sana ang mga barkada ni Willy Cunanan, 49, ngunit napansin nilang nawawala si Willy.
Napansin nalang nila na nakaloblob sa malalim na bahagi ng swimming pool si Cunanan kaya agad nila itong inihaon.
Isinugod pa nila si Cunanan sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng attending physician.
Batay sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, pumunta si Cunanan at kanyang mga barkadang tricycle driver sa Lumbia para mag-unwind, dito na sila nagkaroon ng inuman bago maligo.
Paalala ng pulisya, mag-ingat kapag naliligo sa mga swimming pool at dagat, iwasan ring magpakalasing para masiguro ang mga kaligtasan.