Sugatan ang isang 83-anyos na lalaki sa Odiongan, Romblon matapos dumiretso ang minamaneho nitong SUV sa isang palayan na nasa gilid lang ng kalsada.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang driver na si Cesar Fiel Sr., residente ng Looc, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, patungo si Fiel ng Poblacion galing sa bayan ng Looc ngunit pagdating nito sa national road na bahagi ng Barangay Anahao, bigla umano itong nahilo dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa minamaneho nitong sasakyan hanggang sa sumalpok na ito sa concrete barrier sa gilid ng kalsada bago dumiretso sa palayan.
Agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital si Fiel matapos na magtamo ng sugat sa mukha.
Maswerte namang walang ibang nadamay sa nasabing aksidente.