Kabi-kabilang aksidente ang naitala sa bayan ng Odiongan nitong weekend, kung saan kasagsagan ng highlight ng Kanidugan Festival 2019 at 172nd Founding Anniversary ng bayan.
Bandang 4:30 ng hapon nang magsalpukan sa Barangay Mayha ang dalawang motorsiklo na minamaneho ni Kris Anthony Salvador Garcia, at ni Varconie Fajutnao Palomares.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, patungong Poblacion ang rider na si Garcia habang patungong Barangay Rizal si Palomeras ngunit pagdating nila sa may pakurbang daan sa nasabing barangay, kumabig umano ng linya si Palomeras dahilan upang magsalpukan ang dalawa.
Tumilapon ang dalawang rider at nagtamo ng sugat, kaya agad silang dinala sa Romblon Provincial Hospital para ipagamot.
Bandang 5:30 naman ng hapon nang maaksidente sa Barangay Tulay sa parehong bayan ang dalawang motorsiklo kabilang ang motorsiklo na minamaneho ng isang pulis na miyembro ng Provincial Mobile Force Company.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, patungo ng south direction ang rider na si Patrolman Gabriel Rubion, sakay si Patrolman Aldrin Zuñer, liliko sana sila pagdating nila sa may Petron Gas Station ngunit nasalpok sa likod ng rider namang si Jonard Fajiculay.
Dahil sa aksidente, nagtamo ng head injuries ang dalawang rider kaya agad silang dinala sa Romblon Provincial Hospital para ipagamot.
Sa pagsisiyasat pa ng kapulisan, napag-alamang student permit lamang ang lisensyang hawak ni Fajiculay ng mangyari ang aksidente.
Dinala na ang mga motorsiklong nasangkot sa magkahiwalay na aksidente sa Odiongan Municipal Police Station habang patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari.