Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Romblon, at ng Provincial Social Welfare and Development Office, ang mga kababaihan sa Romblon na alamin at ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang mga kababihan.
Ito ang isa sa mga layunin ng pagtipon-tipon ng aabot sa 2,000 kababaihan mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya sa ginanap na Joint Regional, Provincial, and Municipal Women’s Month Culminating Celebration sa Odiongan, Romblon nitong Huwebes, March 28.
Sa talumpati ni Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) Romblon Federation President, Dr. Maria Imelda Mayor, sinabi nito na mahalagang alam ng mga kababaihan ang kanilang mga karapatan kagaya ng Republic Act 9262 o mas kilala bilang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Samantala, kinilala naman sa nasabing pagdiriwang ang mga Municipal Women Presidentes sa buong Romblon, at ang mga kababaihang malaki ang naitulong sa mga programa at serbisyo ng DSWD.
Dumalo sa nasabing pagdiriwang ang mga opisyal ng Probinsya, at Munisipyo ng Odiongan sa pangunguna ni Governor Eduardo Firmalo.
Ang National Women’s Month ay ipinagdiriwang kada-buwan alinsunod sa Proclamation No. 224 s. 1988, Proclamation No. 227 s. 1988 at sa Republic Act (RA) 6949 s. 1990.