Posibleng matagalan ang payout ng social pension ng mga indigent senior citizen at unconditional cash transfer (UCT) social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga benepisyaryong nasa Listahanan sa lalawigan ng Romblon.
Sa panayam ng lokal na mamamahayag sa ginanap na Kapihan sa PIA, sinabi ni Hazel Gaac, SWAD Team Leader ng DSWD Romblon na lilinisin muna ng DSWD ang master list ng mga nakakatandang tumatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan. Kailangan aniyang tanggalin sa listahan ang mga matatandang yumao at gayundin ang mga senior citizen na tumatanggap ng pension sa GSIS at SSS.
Ani Gaac, wala pa silang natatanggap na opisyal na memorandum kung kailan ibibigay ang tulong pinansiyal sa mga senior citizen kaya’t hindi pa siya makapagbigay ng pahayag kung kailan ang eksaktong petsa ng pamamahagi nito.
Kaugnay naman sa unconditional cash transfer (UCT) social pension para sa mga napabilang sa Listahanan ng DSWD, possible ring maantala ng pagkakaloob nito dahil sa aabutin na ng election ban kung saan apektado ang procurement ng Land Bank of the Philippines (LBP) sa kanilang mga conduit.
Ayon kay Gaac, nauna ng nakapagsagawa ng pay out ang LBP para sa beneficiaries UCT sa mga bayan ng Odiongan at Ferrol pero baka matagalan pang maisagawa ito sa 15 munisipyo dahil aabutin na nga ng election ban.
Ang pondo aniya para sa UCT ay kasalukuyan nang nasa LBP Odiongan Branch subalit wala pang nakukuhang conduit ang nasabing bangko para makatuwang nito sa pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo sa iba’t ibang munisipyo.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak kung kailan ang payout at hihintayin na lang muna nila ang ilalabas na opisyal na kalatas para makapagbigay ng konkretong impormasyon sa publiko kung kailan iri-release ang naturang cash grant. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)