Dead on the spot ang isang rider sa Santa Maria, Romblon habang sugatan ang angkas nito matapos na masangkot sa isang aksidente sa kahabaan ng Tablas Island Circumferential Road sa Sitio Tuburan, Barangay Concepcion Norte nitong hapon ng Martes, March 26.
Kinilala ang nasawi na si Richard Rosa Mallorca, 34 anyos.
Batay sa imbestigasyon ng Santa Maria Municipal Police Station, binabaybay ng pickup truck na minamaneho ni Emmanuel Gabriel Cantillep, 25, ang kahabaan ng Tablas Island Circumferential Road patungong town proper nang makasalubong niya si Mallorca at biglang sumalpok sa bumper ng kanyang sasakyan.
Sa lakas ng impact, tumilapon si Mallorca at ang angkas nitong grade 5 student dahilan upang mabagok sa sementong kalsada si Mallorca na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay. Isinugod naman sa ospital ang estudyanteng angkas ni Mallarco matapos magtamo rin ng head at body injuries.
Ayon sa pulisya, walang suot na helmet ang dalawang sakay ng motorsiklo.
Dinala na muna sa Santa Maria Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan at si Cantillep para imbestigahan.
Maaring maharap sa kasong Reckless Imprudence resulting to Homicide and Physical Injuries and Damage to Property si Cantillep kung kakasuhan ng pamilya ni Mallorca.