Nagtamo ng isang tama ng bala ang isang binata matapos barilin ng kuya ng kanyang nililigawan sa Barangay San Roque sa bayan ng Alcantara, Romblon bandang 8:30 kagabi.
Kinilala ang biktima si Fedrian Galicia, residente ng parehong bayan.
Ayon sa mga kasama ni Galicia, naglalakad sila kasama ang biktima galing sa rehearsal ng sayaw para sa Saginyogan Festival nang bigla umanong dumating ang suspek na si Lorbel Mesana at bigla nalang nanutok ng baril.
Agad na kumaripas ng takbo ang mga kasama ni Galicia ngunit siya ay pinunterya at binaril ng suspek, dito na siya tinamaan sa kanang baywang.
Isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang biktima para tanggalin ang balang bumaon sa kanyang baywang.
Sumuko na ngayong umaga ang suspek sa Alcantara Municipal Police Station. Posible itong maharap sa kasong paglabag sa election gunban, at frustrated murder.