Patay ang isang 32-anyos na lalaki matapos na malunod sa Mablaran Falls sa San Andres, Romblon nitong hapon ng Linggo, March 24.
Kinilala ang nasawi na si Rex Aungon Reyes, residente ng Barangay Poblacion, San Andres, Romblon.
Ayon kay Police Senior Inspector Edwin Bautista, hepe ng San Andres Municipal Police Station, bandang 6:30 ng gabi ng makatanggap sila ng sumbong na may isang lalaking nalunod sa Mablaran Falls kaya agad silang nagpadala ng tao para mag imbestiga.
Sa imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station, lumalabas na nasa Mablaran Falls si Reyes kasama ang kanyang mga barkada para sana mag-unwind, dito na sila nagkainuman. Pauwi na sana ang grupo nang biglang mag dive sa tubig ang nakainum na noon na si Reyes.
Nagtaka ang kanyang mga kasama ng matagal umahon si Reyes kayad agad silang naghanap ng taong pwedeng mag-rescue sa biktima ngunit huli na ang lahat dahil patay na ng marekober si Reyes sa tubig.
Sinubukan pang dalhin sa Romblon Provincial Hospital ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Kwento ng mga kasama ni Reyes sa Romblon News Network, wala umanong life guard sa nasabing pasyalan kahit na nagbabayad umano ng entrance fee ang mga bisita sa lugar.
Nakaburol ngayon ang labi ni Reyes sa kanilang bahay sa Poblacion.