Ipinagutos ng Court of Appeals na ibalik sa pwesto bilang alkalde ng San Andres, Romblon si Mayor Fernald Rovillos matapos na baliktarin ng korte ang desisyon ng Ombudsman noong 2017 na nagtatanggal sa pwesto kay Rovillos at sa lima nitong kasama.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government – Romblon, March 22, Biyernes pa ng ma-reinstate si Rovillos sa Munisipyo ng San Andres.
Kinumpirma sa pamamagitan ng text message ni Mayor Fernald Rovillos sa Romblon News Network ang desisyon ng Court of Appeals.
Matatandaang sinampahan ng kasong Grave Misconduct sa Sandiganbayan ng Ombudsman si Rovillos, at limang iba pa dahil sa pagbili ng 10,000 bitaog seedlings.
Nag-ugat ang kasong isinampa nina dating Vice Mayor Rene Mingoa, Dinah Fradejas, Ernesta Alladin at Araceli Gabaldon sa Ombudsman matapos nilang malaman na hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili sa 10,000 Bitaog Seedlings na nagkakahalaga ng P550,000 na ginamit umano sa tree planting activity noong June 24, 2014.
Samantala, balik bilang Vice Mayor ng San Andres si Arsenio Gadon na nagsilbing Mayor ng mahigit isang taon.