Nahulog sa mababaw na bangin sa gilid ng kalsada ang isang truck na may kargang buhangin at gravel na pagmamay-ari ng isang construction company sa bayan ng Cajidiocan, Romblon nitong umaga ng Sabado, February 02.
Ayon kay Police Inspector Roderick Loto, hepe ng Cajidiocan Municipal Police Station, binaybay ng truck na pagmamay-ari ng Arky Construction & Supply ang kahabaan ng Sibuyan Circumferential Road ngunit bigla umano nitong iniwasan ang kasalubong na motorsiklo kaya nawalan ng kontrol hanggang sa mahulog sa mababaw na bangin.
Ligtas naman ang driver ng truck, ang dalawang pahenante nito, na nagtamo lamang ng galos sa paa at kamay. Wala namang nadamay sa nasabing aksidente.
Agad namang tumungo ang truck driver sa Cajidiocan Municipal Police Station para magpa-blotter ng nangyari sa kanilang truck.
Paalala ng Cajidiocan Municipal Police Station sa mga motorista, ugaliing maingat sa pagmamaneho sa kalsada para iwas aksidente.