Nahulicam sa Closed-circuit television (CCTV) ng Barangay Doña Juana sa bayan ng San Agustin, Romblon ang salpukan ng motorsiklo at tricycle nitong umaga ng February 14, 2019.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang tricycle na binaybay ang kahabaang ng tablas island circumferential road at ang kasalubong na isa pang tricycle, maya-maya ay biglang nag overtake ang motorsiklo sa isa sa mga tricycle at dito na nasalpok ang tricycle na minamaneho ni Budong Gallos.
Sa lakas ng pagkaka-salpok ng motorsiklo sa tricycle, umikot ang tricycle at tumaob hanggang sa mahulog sa mababaw na bangin na nasa gilid ng kalsada.
Tumilapon naman ang dalawang estudyanteng sakay ng tricycle, gayun rin ang rider ng motorsiklo habang ang driver ng tricycle na si Gallos ay kasamang nahulog sa mababaw na bangin.
Agad namang sumaklolo ang mga residenteng malapit sa pinangyarihan ng aksidente at tinulungan ang mga biktima.
Maswerteng hindi nagtamo ng galos ang rider, at ang dalawang estudyante habang ang driver ng tricycle ay nagtamo ng galos sa noo.
Nagkasundo na ang dalawang panig na hindi na magsasampa ng reklamo laban sa isa’t isa.