Kritikal ang lagay ng isang magkakatay ng karne matapos na sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa kasalubong na 6-wheeler truck nitong hapon ng Lunes, February 04.
Ayon kay Chief Inspector Brian Fallurin, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, nangyari ang aksidente sa kahabaan ng national highway sa may boundary ng Barangay Tulay at Mayha sa bayan ng Odiongan.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, binabaybay ng rider na kinilalang si Mark Familara Famatiga, 25-anyosm, nang bigla umano itong kumabig sa linya ng 6-wheeler truck na minamaneho naman ni Cargie Decena Alabat, 36 taong gulang.
Nayupi ang unahang bahagi ng 6-wheeler truck dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng rider na si Famatiga.
Tumusok rin umano sa katawan ni Famatiga ang ilang dala nitong kutsilyo na ginagamit sa pagkatay ng karne.
Agad namang dumating ang rescue mula sa Odiongan Municipal Police Station at Bureau of Fire Protection para dalhin sa Romblon Provincial Hospital ang rider na nagtamo ng headtrauma ayon sa ospital.
Walang suot na helmet ang rider nang mangyari ang aksidente.
Paalala ni Chief Inspector Fallurin, ugaliing magsuot ng helmet at sumunod sa batas sa kalsada para masiguro ang kaligtasan habang nasa lansangan.